--Ads--

Ipapatawag ng Senado ang Bureau of Customs sa ikatlong pagdinig sa darating na Lunes upang ipaliwanag ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa, partikular na ang bigas.


Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na pangunahing sanhi ng pagtaas ng presyo ang smuggling, labis na importasyon, at hoarding.


Binanggit ng senador na isang taon na mula nang ipasa ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Law, ngunit wala pa ring nahuhuling sangkot, na non-bailable o hindi maaaring piyansahan ayon sa batas.


Aniya, naapektuhan ang lokal na magsasaka dahil sa patuloy na pagdagsa ng smuggled na produkto, gaya ng gulay mula sa China at iba pang bansa, na nagdudulot ng matinding epekto sa kanilang kabuhayan.


Dagdag pa rito, kabilang sa dahilan ng pagtaas ng presyo ang hindi epektibong paggamit ng pondo para sa agrikultura, kakulangan ng suporta sa lokal na magsasaka, at patuloy na pagdepende ng bansa sa importasyon.


Upang solusyunan ito, isinusulong ni Pangilinan ang pag-amyenda sa Rice Tariffication Law at pagpapalakas ng crop insurance program para sa mga magsasaka, upang mapababa ang presyo ng bilihin at mapalakas ang lokal na produksyon.


Iminungkahi rin ng senador ang pagpapatawag sa mga consignee ng nasabat na produkto tulad ng mackerel at sibuyas upang harapin ang kaukulang kaso at mapanagot sa ilalim ng umiiral na batas.


Ang Senado ay nananatiling nakatutok sa isyu ng pagtaas ng presyo, habang ang Bureau of Customs ay ihaharap sa mga tanong tungkol sa kanilang papel sa pagpigil sa smuggling at labis na importasyon.//Bombo News Team