--Ads--

Tinatayang humigit-kumulang 100 turista ang bumibisita sa Buscalan, Kalinga, partikular sa bahay ni National Living Treasure Apo Whang-Od upang magpatattoo, lalo na tuwing weekdays. Sa weekends at holidays naman, umaabot umano ito sa 300 hanggang 500 bisita.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Remy Erminger, isang accredited Buscalan tour guide, sinabi niyang nagbabago ang bilang ng mga turista depende sa panahon, at karamihan sa mga bumibisita ay lokal na turista.

Aniya, humigit-kumulang 20% lamang ng mga bisita ang mga dayuhang turista. Karamihan sa mga ito ay mula sa Europe at America, habang mas kaunti naman ang mga galing sa ibang bahagi ng Asia. Ayon sa kaniya, lalo pang dumami ang foreign visitors nang maitampok si Apo Whang-Od sa Vogue.

Naniniwala si Erminger na patuloy na bumabalik ang mga turista dahil sa mainit na pagtanggap ng mga taga-Buscalan at sa kanilang maayos na pakikitungo sa mga bisita.

Pagdating sa tattoo rates, sinabi niyang nasa humigit-kumulang ₱300 ang signature tattoo ni Apo Whang-Od, habang ang ibang disenyo ay maaaring umabot mula ₱500 pataas depende sa laki at komplikasyon. Tinatayang aabot naman sa 100 ang mga tattoo artist sa lugar.

Nilinaw din niya na hindi nagkakaroon ng overcrowding sa Buscalan dahil kaya umanong mag-accommodate ng mahigit 500 bisita ang komunidad sa tulong ng mga homestay at transient houses. Ang pamasahe sa transient ay nasa ₱400 kada ulo kada gabi, habang ang buong kwarto na may anim na tao ay nasa humigit-kumulang ₱1,200.

Bukod sa tattoo experience, maaari ring bisitahin ng mga turista ang Canaan Camp Site kung saan matatanaw ang sea of clouds, rice terraces, at mga talon.

Ibinahagi rin ni Erminger na naapektuhan ang turismo sa lugar noong tumaas ang presyo ng langis sa bansa, dahilan upang magkaroon ng mga kanselasyon ng biyahe. Gayunman, unti-unti ring bumalik ang mga bisita kalaunan.

Tiniyak niya na ligtas ang Buscalan at pinabulaanan ang paniniwala na may kaugnayan ito sa headhunting. Aniya, ligtas at maayos ang komunidad para sa mga turista.

Hinihikayat din niya ang publiko, lalo na ang mga nais magpatattoo, na bumisita na habang aktibo pa si Apo Whang-Od. Ayon sa kaniya, posibleng sa kalaunan ay hindi na signature tattoo ang maibigay nito kapag hindi na niya kayang magpatuloy, at maaari na lamang itong mapalitan ng pagkuha ng larawan.

Sa kabila ng kaniyang katandaan, iniulat din na si Apo Whang-Od ay humaharap na sa mga epekto ng pagtanda, ngunit patuloy pa rin sa pagbibigay ng tradisyunal na tattoo hangga’t kaya pa niya.