--Ads--

Nananatili sa drought condition ang buong probinsya ng Cordillera Administrative Region (CAR), ayon sa PAGASA Baguio.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Kathleen Labangco, Weather Specialist ng PAGASA Baguio, ipinaliwanag niyang ang drought condition ay nangangahulugang tatlong magkakasunod na buwan na nakaranas ng below normal hanggang normal na dami ng pag-ulan.

Bagamat nakararanas ng mga pag-ulan sa ilang bahagi ng rehiyon dahil sa localized thunderstorms, sinabi ni Labangco na below average rainfall pa rin ang naitatala sa kabuuan ng Cordillera. Samantala, patuloy ring binabantayan ng PAGASA ang isang tropical storm na nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at kapag tuluyang nakapasok sa PAR, papangalanan itong Domeng.

Sa ngayon, mababa pa ang posibilidad na mag-landfall ito sa kalupaan ng bansa dahil inaasahang mananatili lamang ito sa Pacific Ocean, ngunit hindi pa rin inaalis ng PAGASA ang posibilidad na pumasok ito sa PAR kaya pinapayuhan ang publiko na manatiling updated sa mga weather bulletin.

Paalala naman ng PAGASA sa publiko na laging maging handa lalo na sa gitna ng drought condition.

Pinapayuhan ang lahat na magtipid sa paggamit ng tubig, maging alerto sa biglaang pag-ulan, at pairalin ang pag-iingat upang manatiling ligtas.| via Bombo Khey Reparip