Baguio City- Nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat ang Filipino race car champion na si Inigo Anton sa Automobile Association Philippines matapos niyang matanggap ang Recognition Award sa ginanap na 30th AAP Motorsports Awards: The Night of Champions.
Ang naturang parangal ay bilang pagkilala sa kanyang tagumpay bilang 2025 F4 Southeast Asia (SEA) Rookie Champion.
Pinasalamatan din ni Anton ang Automobile Association Philippines sa pagbibigay sa kanya ng pagkakataong kumatawan at maging bahagi ng Team Philippines, na kinilalang FIA Asia Pacific Motorsport Champions of 2025.
Si Anton, na tubong Baguio City, ay isang multi-time champion sa larangan ng speed racing at SIM o simulation racing, kung saan siya ay lumalahok sa loob at labas ng bansa.
Sa kasalukuyan, abala pa rin ang champion racer sa paghahanda para sa mas malalaking car racing tournament na gaganapin sa ibang bansa.











