Nagsisilbi ngayong Officer-in-Charge (OIC) ng Tabuk City Police Station si Kalinga Police Deputy Provincial Director for Operations PLtCol. Domingo Gambican, kasunod ng pagtanggal kay PLtCol. Jack Angog matapos makatakas ang dalawang bilanggo noong Enero 2, 2026.
Ayon kay Kalinga Police Provincial Director PCol. Gilbert Fati-ig, si Angog—na siyang City Chief of Police nang mangyari ang insidente—ay pansamantalang inalis sa puwesto upang matiyak ang pagiging impartial ng imbestigasyon sa pagtakas ng mga bilanggo.
Kinilala ang dalawang nakatakas na bilanggo na sina Andres Benito Jr., 35, at Michael Macagne, 39. Nakatakas ang mga ito mula sa kanilang selda noong Enero 2 matapos putulin ang mga rehas gamit ang hacksaw blade. Ang dalawa ay naaresto noong Disyembre 17 ng nakaraang taon dahil sa mga kasong may kaugnayan sa ilegal na droga at illegal possession of firearms, at pansamantalang nakakulong sa Tabuk City Police Station bago ang insidente.
Sinabi ni Fati-ig na natanggap niya ang direktiba mula kay PRO-CAR Regional Director PBGen. Ericson Dilag na alisin si Angog sa kanyang posisyon at italaga si Gambican bilang OIC ng Tabuk City Police Station, epektibo noong Enero 6, 2026.
Sa kasalukuyan, patuloy ang manhunt operation ng mga awtoridad laban sa dalawang nakatakas na bilanggo.
Hinimok din ng Provincial Director ang publiko na makipag-ugnayan sa Tabuk City Police Station kung mayroon silang impormasyon na maaaring makatulong sa agarang pagkakaaresto sa mga suspek.










