BAGUIO CITY — Makikipag-ugnayan ang City Health Services Office sa mga may-ari ng establisimyento upang palakasin ang pest control program ng lungsod bilang hakbang laban sa pagkalat ng mga sakit na dala ng peste.
Ayon kay Celia Flor Brillantes, isa sa mga pangunahing sanhi ng iba’t ibang karamdaman ang pagdami ng peste kaya mahalaga ang maayos na koordinasyon sa mga establisimyento upang mabawasan ang populasyon ng mga ito sa lungsod.
Sinabi ni Brillantes na kabilang sa pangunahing pinagmumulan ng peste ang mga basurang mula sa mga negosyo at establisimyento. Dahil dito, kinakailangan umano ang mahigpit na pakikipagtulungan sa wastong pagtatapon ng solid at liquid waste upang mabawasan ang mga lugar na pinamumugaran ng peste.
Aniya, makatutulong ito upang mapigilan ang pagpasok ng mga peste sa mga tahanan at establisimyento na maaaring magdulot ng kontaminasyon sa pagkain at pagkalat ng sakit.
Binigyang-diin din ng opisyal na mahalagang katuwang ang mga may-ari ng establisimyento sa pagpapatupad ng pest control program dahil kabilang sila sa malalaking pinagmumulan ng basura kung saan dumarami ang mga peste.
Dagdag pa niya, kinakailangan ang kooperasyon ng buong komunidad upang maging matagumpay ang kampanya laban sa peste at mapangalagaan ang kalusugan ng publiko.
Umaasa naman si Brillantes na magiging matagumpay ang planong pakikipagdayalogo ng CHSO sa mga negosyante upang mas mapalawak pa ang implementasyon ng pest control program sa lungsod.











