--Ads--

BAGUIO CITY – Nagpaalala muli ang City Health Services Office sa publiko na mag-ingat laban sa leptospirosis, lalo na ngayong tag-ulan.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. Celia Flor Brillantes, chief ng City Health Services Office, sinabi nitong may naitala silang isang nasawi dahil sa leptospirosis, bagama’t hindi ito residente ng Baguio City.

Pinayuhan naman niya ang mga manggagawa, partikular ang mga nagtatrabaho sa mga lugar na maaaring bahain, gayundin ang mga magsasaka, na magsuot ng bota o iba pang protective gear upang maiwasan ang exposure sa kontaminadong tubig.

Samantala, hinikayat din ng City Health Services Office ang mga magulang na dalhin ang kanilang mga anak na edad 6 hanggang 59 buwan upang mabigyan ng supplemental Measles-Rubella (MR) vaccine.

Ayon kay Brillantes, mahalaga ang pagbabakuna upang maprotektahan ang mga bata laban sa measles at rubella at maiwasan ang pagkalat ng mga naturang sakit.

Tatagal hanggang Agosto 28, 2026 ang supplemental immunization program, kung saan target ng health office na makamit ang itinakdang bilang ng mga batang mababakunahan sa lungsod.