Patuloy pa rin ang Filipino-Korean firm Coheco Badeo Corp. sa kanilang plano na itayo ang P64.3-bilyong pumped-storage hydropower project sa Benguet, na naantala dahil sa COVID-19 pandemic.
Kamakailan, humiling ang kumpanya sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng public scoping para sa kanilang 500-megawatt Kibungan Badeo pumped-storage hydroelectric power project.
Ayon sa dokumentong isinumite sa ahensya, ilalagay ang proyekto sa Barangay Badeo, katabi ng Amburayan River sa Kibungan. Saklaw ng plano ang itaas at ibabang dam, underground powerhouse, underground pressure shaft, at penstock.
Kapag natapos at operational na, sinabi ng Coheco Badeo na makakapagbigay ito ng dagdag na kuryente sa Luzon grid. Binanggit din ng kumpanya ang pangangailangan ng power storage facilities lalo na’t isinusulong ng gobyerno ang renewable energy tulad ng solar at wind.
Ayon sa kumpanya, ang pumped-storage project ay hindi lamang makapagbibigay ng kuryente, kundi magbibigay din ng pinagkukunan ng tubig sa panahon ng tagtuyot o matinding epekto ng climate change.
Inaasahang matatapos ang proyekto pagsapit ng 2031.
Bukod dito, kabilang ang nasabing proyekto sa mga nanalo sa Government’s Green Energy Auction Program (GEAP) Round 3, na naglalayong hikayatin ang mga mamumuhunan sa renewable energy sa pamamagitan ng pagbibigay ng fixed rates sa mga bagong clean power sources.
Layunin ng kasalukuyang administrasyon na itaas ang kontribusyon ng renewable energy sa kabuuang power generation sa bansa mula 22 porsiyento sa kasalukuyan hanggang 35 porsiyento pagsapit ng 2030.











