--Ads--

Hinabol ng mga tauhan ng Land Transportation Office (LTO) ang isang driver ng colorum van na tumakas sa kahabaan ng Kennon Road noong hapon ng Pebrero 1, 2026.

Napag-alaman na walang dalang lisensiya ang driver.

Batay sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo News Team, dalawang beses pinara ng mga enforcer ang naturang van ngunit hindi ito huminto at sa halip ay biglang humarurot, dahilan upang magsimula ang mabilis na habulan sa pagitan ng driver at ng mga awtoridad.

Napag-alaman din na nag-counterflow ang van driver sa makurbang bahagi ng Kennon Road, sa kabila ng mga kasalubong na sasakyan mula sa kabilang direksiyon—bagay na nagdulot ng matinding panganib sa iba pang motorista.

Aabot sa walo ang pasahero ng van.

Ang kanilang binayad na pamasahe mula sa driver ay kinuha ng mga tauhan ng LTO at ibinalik sa kanila para makauwi.

Sa kasalukuyan, nakapagpiyansa ang driver ng colorum van ng ₱2,000, subalit posible umanong marevoke ang lisensiya nito at ang rehistro ng sasakyan.

Ang driver ay 31 taong gulang at residente ng Fairview, Quezon City.//via Bombo Noveh Organo