--Ads--

BAGUIO CITY-Iginiit ng Commission on Elections (Comelec)-Baguio na hindi empleyado ng opisina ang mga umano’y nagbenta ng mga documentary stamps at nagnotaryo sa dokumento ng isang kandidato sa pagka-barangay kagawad na nagreklamo sa Bombo Radyo-Baguio.

Sinabi ni Election Officer Atty. John Paul Martin na bago pa man nag-umpisa ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa nalalapit na halalan ay gumawa ito ng alituntunin na nagbabawal sa mga empleyado ng opisina na magbenta ng mga documentary stamps at magnotaryo.

Ipinaliwanag niya na lahat ng mga gawain na may mababayaran gaya na lamang ng pagpapakuha ng larawan, pagpapa-xerox, paglalagay ng documentary stamps, pagpapa-notaryo at iba pa ay kailangang gawin sa labas ng Comelec.

Aniya, ito ay upang makaiwas ang opisina sa mga isyu at upang mapadali rin ang proseso dahil ang tinatanggap lang ng Comelec ay ang mga nakahanda at kompletong dokumento.

Iginiit niya na ito ay lubusang kabaliktaran ng reklamo ng isang kanidato na empleyado mismo ng Comelec ang nagbenta sa kanya ng documentary stamps at sa loob mismo ng compound ng Comelec iti nagpa-notaryo.

Sa kabila nito, tiniyak ni Atty. Martin na nakahanda itong mag-imbestiga sa nasabing reklamo basta dudulog sa kanya ang nagreklamo.

Inamin ng Atty. Martin na una na itong nakatanggap ng parehong reklamo mula sa isa pang kandidato, kung saan ang reklamo ay may kaugnayan din sa pagbebenta ng documentary stamps at pagpapanotaryo sa loob ng compound ng Comelec-Baguio.