--Ads--

Tatlong araw na lamang ang natitira para sa voter registration na isinasagawa sa lungsod ng Baguio City at sa iba pang lugar sa Pilipinas.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Romeo Aguilar Jr., Acting Elections Officer IV ken Concurrent Regional Election Attorney, sinabi nitong itinigil na nila ang offsite registration dahil marami na rin ang dumadayo sa kanilang opisina upang magparehistro.

Batay sa datos, umaabot sa 150 hanggang 160 aplikante kada araw ang nagpaparehistro mula pa noong Miyerkules.

Ayon kay Atty. Aguilar, target nilang makapagtala ng 3,000 bagong rehistradong botante bago matapos ang voter registration.

Dagdag pa niya, mula sa 15,000 na natanggal sa listahan dahil sa hindi pagboto sa dalawang magkasunod na halalan at iba pang dahilan, tinatayang may kaparehong bilang din ang madaragdag na bagong rehistrado.

Samantala, hinihikayat ng opisyal ang publiko na magparehistro habang hindi pa nagsasara ang voter registration.