--Ads--

Welcome para sa Commission on Elections (COMELEC) Baguio sa desisyon ng Korte Suprema na pagtibayin ang bisa ng Republic Act No. 12326, na nagpapahaba sa termino ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) mula apat na taon tungo sa limang taon.

Dahil dito, sa Nobyembre 2028 na nakatakdang isagawa ang susunod na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), alinsunod sa nasabing batas.

Kasabay nito, inanunsyo ng COMELEC Baguio ang pagbubukas ng voter registration sa Nobyembre 10, 2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Romeo Aguilar Jr., Election Officer ng Baguio City, sinabi nitong nakahanda na ang kanilang tanggapan para sa pagsisimula ng registration na tatagal hanggang Hulyo 30, 2027.

Kabilang sa mga serbisyong maaaring asikasuhin ang bagong pagpaparehistro, transfer of registration, change of name, correction of entries, at iba pang uri ng aplikasyon.

Ayon kay Aguilar, isasagawa nila ang karaniwang Information, Education, and Communication (IEC) campaign, partikular para sa mga first-time registrant at first-time voter.

Paiigtingin din nila ang pagsasagawa ng satellite registration sa mga barangay at paaralan upang mas maraming mamamayan ang maabot at mahikayat na magparehistro.

Maaari namang magparehistro ang mga indibidwal na magiging 18 taong gulang sa o bago ang Mayo 28, 2028.

Dahil dito, hinihikayat ng COMELEC Baguio ang mga kwalipikadong mamamayan na hindi pa nakarehistro na samantalahin ang pagbubukas ng registration upang maiwasan ang dagsa ng mga aplikante at mahabang pila sa mga huling araw o buwan ng pagpaparehistro.