--Ads--

Nanawagan si Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG) for the West Philippine Sea (WPS), sa mga mamamayan ng Cordillera na makiisa sa pambansang paninindigan hinggil sa usapin ng West Philippine Sea.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Baguio, binigyang-diin ng opisyal na hindi dapat nakabatay sa lokasyon ang pakikiisa sa isyu ng WPS. Ayon kay Tarriela, mahalagang tingnan ang usapin bilang laban ng buong sambayanang Pilipino.

Iginiit niya na nararapat suportahan ang pamahalaan sa pagtatanggol sa West Philippine Sea, kabilang si Pangulong Bongbong Marcos, ang Armed Forces of the Philippines (AFP), at ang Philippine Coast Guard (PCG). Aniya, ang laban para sa West Philippine Sea ay laban ng bawat Pilipino.

Dagdag pa niya, mahalagang maunawaan ng bawat mamamayan ang tunay na sitwasyon sa karagatan ng bansa at makiisa sa pamahalaan sa pagtatanggol ng teritoryo.

Sinabi rin ni Tarriela na patuloy ang kanilang kampanya laban sa disinformation kaugnay ng West Philippine Sea. Ayon sa kanya, ang patuloy na pagpapahayag ng katotohanan ang pinakamabisang paraan upang labanan ang maling impormasyon.

Samantala, inihayag din ng opisyal na tinutugunan nila ang umano’y pagharang sa signal ng Starlink sa Bajo de Masinloc. Ayon kay Tarriela, tuwing lumalapit ang kanilang mga barko sa loob ng 24 nautical miles mula sa Bajo de Masinloc, nawawalan ang mga ito ng signal.

Sinisikap aniya ng kanilang tanggapan na makahanap ng agarang solusyon sa naturang problema upang hindi maapektuhan ang kanilang operasyon.

Sa kabila nito, tiniyak ng Philippine Coast Guard na magpapatuloy ang kanilang misyon na gabayan at tiyakin ang kaligtasan ng mga Pilipinong mangingisda sa karagatang sakop ng Pilipinas.