Isang 39-anyos na lalaki, isang construction worker at residente ng Brgy. Irisan, Baguio City, ang inaresto matapos umanong magnakaw ng mga tsokolate mula sa isang mall sa lungsod.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, habang nagroronda ang isang security guard sa checkout area, napansin nitong kumukuha ang suspek ng iba’t ibang tsokolate na naka-display at isinisingit ang mga ito sa kanyang “girdle.”
Matapos nito, nagtungo ang suspek sa may pasukan at labasan ng establisyimento.
Paglababas ng mall, bigla umanong tumakbo ang suspek. Dahil dito, humingi ng tulong ang security guard sa isang miyembro ng Traffic Enforcement Unit ng Baguio City Police Office (BCPO) na noon ay nakatalaga sa lugar upang magbantay sa daloy ng trapiko.
Napansin din ng isang pulis ang kaguluhan at agad na hinarang ang suspek.
Agad itong inaresto at dinala sa BCPO Station 7, kasama ang mga nakuhang ebidensya, para sa kaukulang aksyon.
Kabilang sa mga nakumpiskang pinaghihinalaang ninakaw ang pitong piraso ng Cadbury Dairy Milk Fruit and Nut (190g) na nagkakahalaga ng ₱1,690.50, at pitong piraso ng Cadbury Dairy Milk Fruit and Nut (130g) na nagkakahalaga naman ng ₱1,151.50.
Sa kabuuan, umabot sa ₱2,842.00 ang halaga ng mga produktong umano’y ninakaw.











