--Ads--

Tuwang-tuwa ang isang Cordilleran boxer matapos masungkit ang WBC Australasia Minimumweight title laban sa Australian na si Kha Lu.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Renden “Take Over” Oppas, kampeon ng WBC Australasia Minimumweight, na maganda ang kanyang pakiramdam na makatawan ang Pilipinas sa mas mataas na antas ng laban sa ibang bansa.

Ibinahagi ni Oppas na matapos niyang makapagtapos ng kursong Criminology, agad siyang inalok ng laban. Tinanggap niya ito at kaagad nagsimula ng puspusang pagsasanay, at tiniyak na hindi niya sinayang ang oras sa paghahanda.

Nagsanay ang kampeon sa Baguio City at Benguet bilang bahagi ng kanyang preparasyon.

Aminado rin si Oppas na hindi niya inaasahang mananalo dahil malakas ang kanyang kalaban. Sinubukan man niyang patumbahin ito, hindi niya ito nagawa.

Gayunman, naniniwala siyang malaki ang naitulong ng kanyang high-altitude training bago sumabak sa laban.

Nagpasalamat din siya sa Maykapal sa kanyang tagumpay.

Samantala, balak niyang agad na magbalik sa pagsasanay sa Pilipinas pag-uwi niya, at tiniyak na hindi siya mag-aaksaya ng oras para sa kanyang susunod na laban.

Binigyang-diin niya na mahalagang laging handa upang sa oras na may dumating na hamon, handa siyang harapin ito.