LA TRINIDAD, Benguet — Nanawagan ang mga taga-Cordillera kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na sertipikahang urgent ang House Bill No. 6981, na naglalayong itatag ang Cordillera Autonomous Region (CAR) upang maisulong ang matagal nang hangarin ng rehiyon para sa awtonomiya.
Sa isang manifesto na nilagdaan ng mga kongresista, gobernador, bise gobernador, lokal na opisyal, at mga kinatawan ng iba’t ibang sektor, hiniling din nila sa Kamara at Senado na aksyunan ang mga panukalang batas para makamit ang sariling pagpapasya at mapaunlad ang ekonomiya ng Cordillera.
Binigyang-diin sa manifesto na makatutulong ang regional autonomy sa pagpapaunlad ng ekonomiya, pangangalaga ng kultura, at pagpapatibay ng pagkakaisa ng mga mamamayan. Nakaugat umano ito sa mahabang kasaysayan, tradisyon ng mga katutubo, at pakikibaka para sa sariling pagpapasya.
Ang panukalang House Bill 6981 ay inihain sa 20th Congress upang ituloy ang mandato ng 1987 Constitution para sa pagtatatag ng autonomous regions sa Cordillera at Muslim Mindanao.
Ayon sa manifesto, ipinakita ng isang fiscal viability study noong 2025 na magiging matatag sa pananalapi ang isang autonomous Cordillera region at hindi ito makaaapekto nang negatibo sa kalagayang piskal ng bansa.
Photo courtesy: Asia Media Centre











