Inaaral muli ang pagpapatupad ng crop rotation sa lalawigan ng Benguet.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Marie Rose Fongwan-Kepes, Bise Gobernador ng Benguet, sinabi niyang una nang inihain ng dating opisyal na si Nestor Fongwan Sr. ang panukalang crop rotation sa lalawigan, ngunit hindi ito tinanggap ng karamihan sa mga magsasaka noon.
Ayon sa opisyal, plano niyang kausapin ang mga alkalde sa nasabing probinsya, lalo na’t marami ang mga bagong halal, upang talakayin muli ang naturang hakbang.
Aniya, nais niyang muling buhayin ang ideya ng crop rotation upang maiwasan ang sabay-sabay na pag-aani ng repolyo at iba pang gulay sa Benguet.
Ipinaliwanag niya na kapag sabay-sabay na dumarating sa merkado ang magkakaparehong gulay, bumababa ang presyo ng mga ito.
Sa ilalim ng crop rotation, magkakaroon umano ng maayos na iskedyul ng pagtatanim at pag-aani upang hindi iisang uri ng gulay lamang ang sabay-sabay na ibinebenta sa merkado.
Dagdag pa niya, inilabas na noon sa Sangguniang Panlalawigan ang nasabing hakbang ngunit hindi ito sinuportahan ng marami. Gayunman, posibleng mas nauunawaan na ngayon ng mga magsasaka ang kahalagahan nito dahil sa epekto ng krisis na nararanasan sa bansa.
Umaasa naman ang opisyal na makikibahagi at makikipagtulungan ang mga magsasaka sa Benguet upang maging matagumpay ang naturang programa.











