--Ads--


Hinimok ng Department of Agriculture-Cordillera Administrative Region (DA-CAR) ang mga magsasaka at mangingisdang naapektuhan ng mga bagyong Luis at Maymay at pinalakas na habagat na agad iulat ang kanilang mga pinsala para sa dokumentasyon, validation at posibleng tulong.

Batay sa paunang assessment, 1,092 magsasaka at mangingisda ang naapektuhan, habang 318 ektarya ng production areas ang nasira at tinatayang 433 metric tons ng agricultural produce ang nawala. Umabot naman sa ₱16.48 milyon ang kabuuang pinsala sa agrikultura sa rehiyon.

Ayon sa DA-CAR, halos 70 porsyento ng pinsala ay naitala sa Abra, partikular sa mga palayan at maisan malapit sa mga ilog, dahil sa pagbaha at soil erosion.

Samantala, sinabi ng ahensya na hindi gaanong naapektuhan ang vegetable production at nananatiling stable ang suplay at presyo ng mga gulay sa rehiyon.

Bilang tugon, nagpakilos ang DA-CAR ng KADIWA trucks upang maihatid ang mga gulay mula sa mga sakahan patungo sa pamilihan. Mahigit 11,000 kilo ng gulay ang naihatid na sa Quezon City at Pampanga.

Naghanda rin ang DA-CAR ng mga binhi para sa mga kwalipikadong magsasaka upang makatulong sa muling pagtatanim at pagbangon ng sektor ng agrikultura.