--Ads--

BAGUIO CITY – Ipinaliwanag ni Engineer Bonifacio Dela Peña, City Administrator ng Baguio City ang mga dahilan kung bakit hindi pa nasisimulan at natatapos ang ilang mga proyekto sa lungsod.

Isa na rito ang “change of order” o ang kinakailangang pagbabago ng isang proyekto.
Idinagdag ni Engineer Peña na hindi masisimulan ang isang proyekto kung walang contractor na magbi-bid para dito at kadalasang tumatagal pa ng humigit-kumulang isa at kalahating buwan bago makuha o ma-bid ang isang proyekto.

Binigyang-diin niya na hindi basta-basta ang pagkompleto sa isang proyekto dahil nais ng lungsod na makamit ang dekalidad na proyekto.

Kabilang sa mga hindi pa natatapos na proyekto ay Youth Convergence Center at Baguio Athletic Bowl Redevelopment, at Multi-Purpose Building sa Wright Park.

Kabilang naman sa katatapos na proyekto ay ang kauna-unang “living street” ng lungsod kung saan binuksan na ito sa publiko noong nakaraang linggo.

Sa gitna nito, tiniyak ng City Administrator na “one is to one” ang magiging proyekto ng mga bagong arkitekto ng lungsod para masiguro na wala silang ibang inaasikasong proyekto sa loob at labas ng lungsod.

Plano din ng lokal na pamahalaan na kumuha ng mga consultant, outsource projects para makompleto na ang maraming nakalinya na proyekto ng lungsod.

Tiniyak pa ni Engr. Dela Peña na walang nangyayaring katiwalian sa lahat ng proyekto ng lungsod dahil nagagamit umano ang pundo ng tama.