Nasawi ang dalawang magsasaka matapos lumahok sa tradisyunal na ritwal na tinatawag na “sulif” upang maresolba ang kanilang alitan sa lupa sa Alabel, Sarangani Province, noong Biyernes, Oktubre 16.
Kinilala ang mga biktima na sina Tonny Bulanon Mansag, 69-anyos, at Gaspar Tusan Palasanon, 49-anyos, kapwa residente ng Barangay Datal Anggas sa nasabing bayan.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Alabel Municipal Police Station, isinagawa ang ritwal sa Glamang River bandang alas-10 ng umaga matapos mabigong maresolba sa antas ng barangay ang kanilang alitan sa lupa.
Sa naturang ritwal, sabay na lumubog sa ilog ang dalawa at nagpaligsahan umano kung sino ang mas matagal na makapipigil ng hininga sa ilalim ng tubig.
Tumagal nang humigit-kumulang 12 minuto ang kanilang paglubog bago sila nahirapang huminga at hindi na nakaahon.
Agad silang isinugod sa magkahiwalay na pagamutan. Idineklarang dead on arrival si Mansag sa Sarangani Provincial Hospital, habang binawian din ng buhay si Palasanon matapos dalhin sa isang ospital sa General Santos City.
Ayon sa mga paunang ulat, kapwa pumayag ang dalawang magsasaka na sumailalim sa ritwal bilang paraan ng pag-aayos sa kanilang sigalot.
Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya ang insidente, kabilang ang mga detalye ng kanilang alitan sa lupa at ang mga pangyayari sa isinagawang ritwal.







