BAGUIO CITY – Mula sa pagiging security guard hanggang sa pagiging opisyal ng Philippine Army, ibinahagi ni 1LT Dexter Buyogan Mamma, Commanding Officer ng 112SEC, 11th Infantry Division, Philippine Army, ang kanyang inspirasyonal na paglalakbay sa buhay at serbisyo.
Sa isang exclusive interview sa Bombo Radyo Baguio, ikinuwento ni Mamma na nag-aral siya sa Pinsao Elementary School at nagtapos sa Pinget National High School. Nagpatuloy siya sa kolehiyo sa Baguio City Colleges Incorporated sa Magsaysay Avenue ngunit hindi niya ito natapos.
Sa kalaunan ay nakapasok siya sa Philippine Military Academy (PMA), kung saan niya natapos ang kanyang bachelor’s degree bago tuluyang pumasok sa serbisyo militar.
Ayon kay Mamma, pangarap na niyang maging sundalo simula pa noong siya ay nasa high school.
Aniya, matapos ang kanyang pagtatapos sa sekondarya ay agad siyang kumuha ng PMA entrance examination dahil determinado siyang makapasok sa akademya.
Ibinahagi rin niya na hindi kayang pag-aralin ng kanyang mga magulang ang lahat nilang magkakapatid sa kolehiyo kaya pinili niyang tahakin ang landas ng PMA, na nagbibigay ng mga benepisyo sa mga kadete habang nag-aaral.
Pumasok siya sa PMA sa edad na 21, nagtapos sa edad na 25, at anim na taon na siyang nagsisilbi sa Philippine Army.
Ikinuwento rin ni Mamma ang simpleng pamumuhay ng kanilang pamilya. Ang kanyang ina ay dating tagapag-empake ng gulay sa BAPTC, habang ang kanyang ama ay isang karpintero at laborer na ngayo’y nag-aalaga na ng baboy.
Siya rin ang kauna-unahang miyembro ng kanilang pamilya na naging uniformed personnel.
Sa kasalukuyan, si Mamma ay single ngunit mayroon nang fiancée.
Inamin din niya na hindi siya kabilang sa mga estudyanteng itinuturing na “promising” noong siya ay nag-aaral. Aniya, naging repeater pa siya noong unang taon ng high school.
Isa sa pinakamalaking hamon na kanyang naranasan bilang sundalo ang pagkakatalaga sa Mindanao, malayo sa kanyang pamilya sa Baguio City.
Aniya, mahirap mapalayo sa mga mahal sa buhay at hindi makadalo sa mahahalagang okasyon ng pamilya, ngunit bahagi ito ng sinumpaang tungkulin bilang sundalo.
Inamin din niyang dumating sa puntong gusto na niyang sumuko.
“Kumbaga, maiisip mo na ano ba ang ginagawa ko rito. Puwede namang nagre-relax ako sa labas kasama ang pamilya ko.”
1LT Dexter Buyogan Mamma, Commanding Officer ng 112SEC, 11th Infantry Division, Philippine Army
Gayunman, sinabi niyang ang kanyang pangarap ang naging dahilan upang magpatuloy.
Aniya, hindi niya maaabot ang kanyang mga mithiin kung magpapatalo lamang siya sa homesickness at iba pang pagsubok. Dagdag pa niya, malaki rin ang naitulong ng suporta ng kanyang mga kasamahan sa serbisyo.
Pagdating naman sa balanse ng trabaho at personal na buhay, sinabi niyang mahalaga ang patuloy na komunikasyon sa pamilya sa pamamagitan ng mga mensahe at social media.
Nang tanungin kung ano ang sasabihin niya sa kanyang nakababatang sarili, sinabi niyang una niya itong babatiin.
“Kung kakausapin ko ang old self ko, kakamayan ko muna at sasabihin ko, ‘Congratulations at hindi ka sumuko. Makukuha mo ang pangarap mo. Maglilingkod ka bilang sundalo. Kung tumigil ka noon o nasiraan ka ng loob, wala sanang Lieutenant Mamma ngayon na nagsisilbi sa Philippine Army.'”
1LT Dexter Buyogan Mamma, Commanding Officer ng 112SEC, 11th Infantry Division, Philippine Army
Ibinunyag din ni Mamma na isang beses siyang hindi nakapasa sa PMA entrance examination bago tuluyang nakamit ang tagumpay sa ikalawang pagsubok.
“Masasabi ko sa old self ko, congratulations dahil hindi KA sumuko.”
1LT Dexter Buyogan Mamma, Commanding Officer ng 112SEC, 11th Infantry Division, Philippine Army
Ayon sa kanya, maituturing niyang matagumpay ang kanyang buhay ngayon kumpara sa dati niyang kalagayan.
“Noong college po ako, self-support ako. Nagtatrabaho ako habang nag-aaral.”
1LT Dexter Buyogan Mamma, Commanding Officer ng 112SEC, 11th Infantry Division, Philippine Army
Isa rin sa mga hindi alam ng marami ay ang kanyang naging trabaho sa Bombo Radyo Baguio.
Sa loob ng dalawang taon ay nagsilbi siyang security guard sa tower ng istasyon habang pinagsasabay ang trabaho at pag-aaral.
“Actually, naging empleyado ako ng Bombo Radyo Baguio kaya nakaka-proud lang na maimbitahan ninyo ako. Dati, nakikinig lang ako sa inyo.”
1LT Dexter Buyogan Mamma, Commanding Officer ng 112SEC, 11th Infantry Division, Philippine Army
Aniya, nagtatrabaho siya sa gabi habang nag-aaral tuwing umaga.
Sa huli, hinikayat ni 1LT Mamma ang mga kabataan na huwag matakot mangarap at samantalahin ang pagkakataong makapaglingkod sa bayan.
Aniya, ang tagumpay ay makakamit lamang sa pamamagitan ng tiyaga, determinasyon, at hindi pagsuko sa kabila ng mga pagsubok.











