![](https://img.bomboradyo.com/baguio/2025/02/Pacquiao-convoy-Edsa.webp)
Ipinag-utos ni dating Senador Manny Pacquiao ang agarang pagtanggal sa kanyang service driver matapos itong tumakas mula sa mga awtoridad nang mahuli sa paggamit ng EDSA Busway noong weekend.
Sa isang panayam, sinabi ni Pacquiao na pinagalitan rin niya ang kanyang chief security matapos niyang malaman ang naturang insidente.
Idinagdag niya na pinagsabihan niya ang kanyang chief security na mali ang ginawa niya.
Aniya, pinabalik niya agad ang mga ito at pinakuha ng ticket dahil nakakahiya umano siya
Mariing sinabi ni Pacquiao na hindi niya kinukunsinti ang ganitong uri ng asal.
Ayon sa Department of Transportation’s Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT), dalawang sasakyan na may mga pasaherong nagsasabing bahagi sila ng security detail ni Pacquiao ang nahuling gumagamit ng EDSA Busway noong weekend.
Isa sa mga pasahero ng van ang nagsabing hihinto sila para makipag-usap sa traffic enforcer ngunit sa halip ay tumakas.
Sa huli, bumalik din ang van at binigyan ng traffic violation ticket ang convoy dahil sa paglabag sa traffic signs at ilegal na paggamit ng blinkers.
Matatandaan na noong Enero 23, nahuli rin ang convoy ni Quezon City 2nd District Representative Ralph Wendel Tulfo dahil sa ilegal na paggamit ng EDSA Busway.
Inamin naman ni Senador Raffy Tulfo ang insidente at sinabing pinagsabihan niya ang kanyang anak na humingi naman ng paumanhin sa publiko