Isang hindi inaasahang bisita ang dumating sa Igorot Stone Kingdom matapos mamasyal doon si dating Vice President Jejomar Binay, ayon kay Pio Velasco, may-ari ng naturang pasyalan.
Sa kaniyang Facebook post noong November 5, 2026, ikinuwento ni Velasco na isang may edad at mayamang politiko mula Makati ang dumating sa kanilang lugar. Hindi umano nila agad inakala na ito ay si Binay, na nagtungo roon kasama ang kaniyang mga aide at security personnel.
Si Binay ay nagsilbi bilang Bise Presidente ng Pilipinas mula 2010 hanggang 2016 at naging matagal ding alkalde ng Makati City.
Ayon kay Velasco, ang pagbisita ni Binay ay bahagi lamang ng kaniyang pamamasyal bago ang nalalapit nitong ika-84 na kaarawan.
Sa kabila ng simpleng pagbisita, nagpahayag ng pasasalamat at paggalang si Velasco sa dating pangalawang pangulo sa pagpili nitong bisitahin ang Igorot Stone Kingdom.
“Thank you for visiting our lowly stone kingdom, Sir. We are humbled. Mabuhay po kayo!” mensahe ni Velasco.











