Kinumpirma ng Davao City Police Office (DCPO) na mino-monitor nito ang kinaroroonan ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa kaugnay ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) laban sa kanya kaugnay ng war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Ayon kay DCPO spokesperson Capt. Hazel Caballero, inatasan na ang 19 na police stations sa Davao City na bantayan ang presensya ng senador sa kanilang area of responsibility.
Gayunman, sinabi niyang wala pa silang natatanggap na opisyal na kopya ng arrest warrant mula sa ICC kaya hindi pa ito maipatutupad.
Aniya, kapag nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa lokasyon ni Dela Rosa, agad itong iuulat sa PNP national headquarters.
Binigyang-diin din ng DCPO na susundin nila ang police operational procedures at titiyaking walang malalabag na karapatan sa anumang operasyon laban sa senador.
Samantala, sinabi rin ng pulisya na wala pa silang natatanggap na utos para kumpiskahin ang mahigit 100 baril na nakarehistro umano sa pangalan ni Dela Rosa.
Tumanggi namang magkomento ang DCPO sa pahayag ng National Bureau of Investigation na “armed and dangerous” umano ang senador.








