--Ads--

BAGUIO CITY – Patuloy ang monitoring ang Department of Education-Cordillera Administrative Region (DepEd-CAR) sa mga paaralan sa rehiyon na maaaring naapektuhan ng mga nagdaang bagyo at ng nararanasang Habagat.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Cyrille Gaye Miranda, tagapagsalita ng DepEd-CAR, sinabi niyang base sa datos mula sa kanilang hazard monitoring, ilang paaralan sa rehiyon ang nakaranas ng pinsala.

Ayon sa tala, umabot sa 5,297 learning materials at 122 IT materials ang naapektuhan.

Sa mga paaralang nakaranas ng major damage na nangangailangan ng intervention at malaking pondo para sa pagkukumpuni, kabilang ang 68 paaralan sa Abra, isa sa Baguio City, 11 sa Benguet, isa sa Ifugao, 16 sa Mountain Province, at apat sa Kalinga.

Samantala, kabilang naman sa mga paaralang nakaranas ng minor damage na maaari pa umanong magamit ang 415 paaralan sa Abra, 26 sa Baguio City, 161 sa Benguet, isa sa Ifugao, 50 sa Mountain Province, at siyam sa Kalinga.

Dagdag pa ni Miranda, magpapatupad ang mga paaralang nakaranas ng malaking pinsala ng iba’t ibang learning options, gaya ng kombinasyon ng face-to-face classes at paggamit ng printed o digital learning resources, upang maipagpatuloy ang pag-aaral ng mga estudyante.

Samantala, ang mga paaralang natapos nang ma-assess at napag-alamang ligtas na ay maaari nang magbalik sa face-to-face classes. Maaari rin namang gumamit ng distance learning o online classes ang mga paaralang may kakayahang magsagawa nito.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy pa rin ang inspeksyon at assessment sa mga paaralan upang matukoy ang lawak ng pinsala at ang mga pangangailangan ng mga apektadong paaralan.

Nagpaalala naman si Miranda sa mga magulang na laging unahin ang kaligtasan ng kanilang mga anak. Kung hindi pa ligtas ang mga daanan patungo sa paaralan, mas mabuting huwag munang papasukin ang mga bata at ipagbigay-alam ito sa kanilang mga guro.

Samantala, sinabi ni Miranda na bukas ang kanilang tanggapan para sa mga reklamo, katanungan, at iba pang serbisyong maaaring maibigay ng DepEd-CAR sa mga paaralan at magulang na nangangailangan ng kanilang tulong. | via Bombo Khey Reparip