BAGUIO CITY — Mariing sinabi ng Department of Education (DepEd) na hindi nito kukunsintihin ang anumang uri ng karahasan sa mga paaralan kasunod ng insidenteng kinasasangkutan ng mga mag-aaral ng Pinget National High School.
Sa opisyal na pahayag ng DepEd, binigyang-diin nitong nakatuon ang ahensya sa pagprotekta sa bawat mag-aaral at pagpapanatili ng ligtas na learning environment.
Ayon sa DepEd Regional Office at Schools Division Office of Baguio City, na-activate na ang mga child protection mechanism at binibigyan ng kinakailangang psychosocial at medical support ang mga mag-aaral na sangkot sa insidente.
Binigyang-diin din ng ahensya na isang seryosong paglabag ang pisikal na pananakit sa kapwa mag-aaral at maaari itong humantong sa pagtanggal sa paaralan. Anumang indibidwal na mapatunayang responsable ay pananagutin alinsunod sa umiiral na proseso at mga patakaran.
Sinabi rin ng DepEd na lubos itong makikipagtulungan sa Baguio City Police Office Women and Children Protection Desk (WCPD) at iba pang kinauukulang awtoridad kaugnay ng anumang legal na proseso.
Samantala, dahil mga menor de edad ang sangkot, mahigpit na ipatutupad ng DepEd ang confidentiality upang maprotektahan ang kanilang pagkakakilanlan at kapakanan.
Nanawagan din ang ahensya sa publiko at media na huwag nang magbahagi o mag-repost ng mga video at hindi beripikadong impormasyon tungkol sa insidente na maaaring higit pang makapinsala sa mga batang sangkot.
Iginiit ng DepEd na patuloy nitong titiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral habang isinasagawa ang nararapat na proseso kaugnay ng insidente.











