--Ads--

BAGUIO CITY — Hinikayat ng Department of the Interior and Local Government-Cordillera (DILG-CAR) ang mga barangay at Sangguniang Kabataan (SK) na simulan na ang inventory ng mga ari-arian at dokumento bilang paghahanda sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Nobyembre 2026.

Ayon kay DILG-CAR Regional Director Atty. Anthony Nuyda, makatutulong ang maagang inventory at turnover preparations upang maiwasan ang mga suliraning karaniwang nararanasan sa pagpapalit ng mga halal na opisyal, lalo na sa turnover ng mga rekord at government properties.

Sa ilalim ng DILG Memorandum Circular No. 2026-021, inaatasan ang mga incumbent barangay at SK officials na magsagawa ng inventory at bumuo ng kani-kanilang inventory teams upang matiyak ang maayos na paglilipat ng mga ari-arian, financial records, at iba pang accountabilities sa susunod na administrasyon.

Nagbabala ang DILG na ang kabiguang magsagawa ng wastong turnover ay maaaring magresulta sa administratibo at legal na pananagutan. Layunin ng hakbang na matiyak ang maayos na transisyon ng pamunuan at tuloy-tuloy na paghahatid ng serbisyo publiko sa mga barangay.