--Ads--

BAGUIO CITY — Tiniyak ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ang mga proyektong pinopondohan sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF) ay may tunay na pakinabang sa mga komunidad.

Ayon kay DILG-Cordillera Regional Director Atty. Anthony Nuyda, hindi lamang ang pisikal na pagkumpleto ng mga proyekto ang kanilang sinusubaybayan kundi pati ang epekto nito sa buhay ng mga mamamayan.

Sinabi naman ni DILG-CAR Project Development Management Unit Chief Shaquile Buraga na isinasagawa ang Rapid Subproject Sustainability Assessment anim na buwan hanggang isang taon matapos makumpleto ang proyekto upang alamin ang naging epekto nito sa komunidad.

Sa pamamagitan ng SubayBAYAN portal, mino-monitor ng DILG ang kalidad, tamang paggamit ng pondo, at mga benepisyong naidudulot ng mga proyekto. Nagsasagawa rin ang ahensya ng taunang SubayBAYANI Awards para kilalanin ang mga LGU na mahusay sa pagpapatupad ng LGSF projects.

Para sa LGSF 2026, bukod sa mga proyektong pang-imprastraktura, isasama rin ang ayuda sa bigas para sa mga vulnerable na pamilya, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Hinimok ni Nuyda ang mga LGU na tiyakin ang maagap at epektibong implementasyon ng mga proyekto upang lubos na mapakinabangan ng mga komunidad ang mga ito.