--Ads--

BAGUIO CITY – Agad na kumilos ang Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos makatanggap ng ulat mula kay Mayor Benjamin Magalong hinggil sa umano’y pagtatamper at posibleng pagsira ng mga mahahalagang dokumento sa Baguio City District Engineering Office.

Kinumpirma ni DPWH Secretary Vince Dizon na pormal na sinampahan ng kaso at pinatawan ng preventive suspension na 90 araw si District Engineer Rene Zarate.
Ayon kay Dizon, personal niyang ipinaalam kay Mayor Magalong ang naturang kautusan.

Naglabas din ng memorandum ang kalihim sa lahat ng tanggapan ng DPWH—mula sa Central Office, regional offices, hanggang sa district engineering offices—na tiyakin ang pangangalaga at pagsusumite ng lahat ng dokumento hindi lamang sa mga flood control project kundi maging sa lahat ng proyektong isinagawa sa nakalipas na sampung taon.

Mahigpit na binalaan ni Dizon ang sinumang hindi susunod sa naturang kautusan ay magagaya kay Engr. Zarate.

Ang imbestigasyon ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng pamahalaan laban sa katiwalian, partikular sa sektor ng imprastruktura.