BAGUIO CITY – Nanatiling tikom ang bibig ng Department of Public Works and Highways (DPWH) – Cordillera kaugnay ng mga isyung bumabalot sa flood control project sa rehiyon.
Sa pagbisita ng Bombo Radyo News Team sa regional office ng ahensya noong Agosto 20, 2025, wala roon ang opisyal na inaasahang magbibigay ng pahayag dahil nasa lungsod ng Maynila ang lahat ng mga opisyal sa panahong iyon.
Sa isinagawang phone interview, sinabi ni Juliet Aban, Information Officer ng DPWH-CAR, na patuloy pa ang imbestigasyon ng Senado sa mga alegasyon kaugnay ng flood control project. Dahil dito, hindi pa sila makapaglabas ng opisyal na pahayag o komento.
Tiniyak naman ni Aban na maglalabas sila ng opisyal na statement kapag natapos na ang imbestigasyon.
Samantala, tikom din ang bibig ng DPWH – Baguio District Engineering Office sa isyu ng umano’y overpricing ng cat’s eyes at iba pang kagamitan para sa mga imprastraktura sa lungsod.
Hindi rin personal na dumalo ang mga opisyal ng ahensya, ngunit nagpadala sila ng kinatawan sa isinagawang forum ng City Council noong Agosto 18, kung saan tinalakay ang mga alegasyon ng labis na overpricing sa ilang proyekto gaya ng cat’s eye highway lights, yellow road barriers, solar-powered streetlights, at rock netting installations.
Matatandaang lumutang ang isyu ng flood control project matapos itong banggitin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA), na naging mitsa upang magsagawa ng pagdinig ang Senado hinggil sa naturang proyekto.//Bombo Noveh Organo