Tiniyak ng Department of Public Works and Highways (DPWH) – Nueva Vizcaya 2nd District Engineering Office na pananagutin nila ang kontratistang responsable sa gumuhong bahagi ng kalsada sa Brgy. Kirang, Aritao, Nueva Vizcaya.
Batay sa inilabas na public advisory ng ahensya, gumuho ang bahagi ng slope protection structure at road pavement ng isang natapos nang road widening sa kahabaan ng Nueva Vizcaya–Benguet Road kahapon, Setyembre 5, bunsod ng walang patid na pag-ulan.
Ayon sa DPWH, ang proyekto ay kasalukuyang nasa ilalim pa ng warranty period, kaya’t tiniyak nila na ang kontratista ang sasagot sa pagkukumpuni ng nasirang bahagi ng kalsada nang hindi gagastos ang gobyerno.
Sa kasamaang-palad, dahil sa pagguho ng kalsada, isang jeep ang nahulog sa bangin habang tinatahak ang lugar, na nagresulta sa pagkasugat ng dalawang indibidwal.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Police Captain Elixer Reolalas ng Aritao Municipal Police Station, galing umano ang jeep sa Aritao, Nueva Vizcaya at maghahatid sana ng naaning kamatis sa Nueva Vizcaya Agricultural Terminal nang biglang gumuho ang bahagi ng kalsada.
Nahulog ang sasakyan sa bangin na tinatayang may 50 metrong lalim.
Dahil dito, nasugatan ang driver, habang nabalian ng paa ang babaeng pahinante.
Ayon pa kay Police Captain Reolalas, bagamat may mga marka ang naturang kalsada, posibleng hindi ito napansin ng driver, dahilan kung bakit itinuloy pa rin ang pagdaan sa naturang bahagi.
Sa inilabas namang abiso ng DPWH, agad silang naglagay ng reflectorized safety signs at barricades sa apektadong bahagi upang magbigay babala sa mga motorista at maiwasang makalapit sa gumuho nang gilid ng kalsada.
Sa ngayon, passable pa rin ang nasabing kalsada sa mga motorista, ngunit mahigpit ang panawagan ng ahensya at mga awtoridad na magdoble-ingat sa pagdaan.
Hinihikayat rin ang publiko na gumamit ng alternatibong ruta kung maaari, upang matiyak ang kanilang kaligtasan.