--Ads--

Magaganap sa Lunes, Mayo 4, ang pamamahagi ng pinansyal na tulong para sa mga jeepney driver sa Lungsod ng Baguio mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mr. Wilson Bumay-et Jr., presidente ng Jeepney Federation Baguio-Benguet, sinabi niyang ipagkakaloob ang P5,000 Cash Relief Assistance para sa mga kwalipikadong jeepney driver.

Ayon sa talaan, may 3,868 benepisyaryo ang inaasahang tatanggap ng tulong sa Baguio Convention Center. Gayunman, kinuwestyon ni Wilson ang biglaang pagdami ng bilang kumpara sa listahan ng AICS program na nasa humigit-kumulang 2,000 lamang.

Ipinunto rin niya na wala pa silang natatanggap na master list upang masuri kung tunay na mga driver ang kabilang sa mga nakatala, at kung saklaw din ba nito ang mga operator.

Giit niya, mas makabubuting naibigay sa kanilang hanay ang master list upang mas maayos na maberipika ang mga benepisyaryo.

Ayon pa kay Bumay-et, wala umanong naging sapat na koordinasyon ang nasabing ahensya sa kanilang pederasyon o organisasyon.

Sa kabila nito, positibo ang opisyal na maipapamahagi ang tulong sa maayos at sistematikong paraan.

Nagpaalala rin siya sa mga driver na makakatanggap ng ayuda na huwag kalimutan ang mga kinakailangang dokumento at magdala ng inuming tubig, dahil inaasahan ang mahabang pila.

Samantala, inaasahan din ang mabigat na daloy ng trapiko sa naturang araw dahil sa isasagawang payout.