Patuloy ang opisyal na monitoring ng Department of Trade and Industry (DTI)–Baguio Benguet sa mga school supplies na ibinebenta sa mga pamilihan.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Ralph Altiyen ng Consumer Protection Division ng DTI-Baguio Benguet, sinabi niyang nagsimula ang kanilang monitoring tatlong linggo na ang nakararaan. Humingi rin sila ng paumanhin dahil na-late ang pag-isyu ng price guide para sa mga school supplies.
Aniya, nitong Hunyo 4 lamang nailabas ang presyo ng mga school supplies bago ang pagbubukas ng klase.
Sa kabila nito, nilinaw ng opisyal na naipamahagi na sa mga pamilihan ang price guide upang magsilbing gabay ng publiko.
Batay sa price guide, 109 na items ang nanatiling hindi nagbago ang presyo, 38 items ang bumaba, habang 22 items naman ang tumaas. Ayon pa sa DTI, ang pagtaas ay nasa katamtamang antas lamang, na may dagdag-presyo na ₱1 hanggang ₱6.
Epektibo ang nasabing price guide para sa School Year 2026–2027 at kinakailangang sundin ito ng mga tindahan.
Giit ng opisyal, ang mga establisimyentong lalabag sa itinakdang presyo ay mahaharap sa kaukulang reklamo. Hinikayat din niya ang publiko na agad iulat sa pinakamalapit na tanggapan ng DTI ang anumang paglabag sa price guide.











