Hinimok ng DTI-CAR ang mga mamimili na magkumpara muna ng presyo sa iba’t ibang tindahan upang makatipid.
Ayon kay Assistant Regional Director Samuel Gallardo, makabubuting samantalahin ang promos at bumili lamang ng kinakailangan upang maiwasan ang pag-aaksaya.
Iniulat naman ni Ralph Altiyen ng DTI Baguio-Benguet na tumaas ang presyo ng hindi bababa sa 45 produkto tulad ng noodles, kape, de-boteng tubig at de-lata, ngunit nananatili pa rin sa SRP. Mayroon ding 14 produkto na bumaba ang presyo dahil sa promos, na pansamantala lamang.
Sinabi rin niya na tumataas ang presyo ng construction materials ng humigit-kumulang PHP1 hanggang PHP20 kada linggo. Gayunman, tiniyak ng DTI na sapat ang suplay ng produkto at walang hoarding, batay sa normal na stock sa mga tindahan.
Dagdag pa, mababa ang bilang ng mamimili dahil sa pagtitipid. Pinaigting na rin ang price monitoring, at pinayuhan ang maliliit na tindahan na panatilihing makatwiran ang patong sa presyo.











