--Ads--

BAGUIO CITY – Arestado ang isang babae sa anti-drug operations ng Philippine Drug Enforcement Agency-Cordillera (PDEA-CAR) sa harap ng isang disco bar sa Burnham-Legarda Barangay, Baguio City, kaninang madaling araw.

Nakilala ang suspek na si Cherry Caparas alyas Joan, 18-anyos na residente ng Malate, Metro Manila, habang nakatakas ang kasama nito na si Mark Angelo alyas Papa Bim.

Nakumpiska mula sa suspek ang 50 piraso ng P1,000 na boodle money at isang paper bag na naglalaman ng dalawang kahon ng cupcakes.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Investigation Chief Seymour Darius Sanchez ng PDEA, sinabi niya na isa sa mga kahon ay naglalaman ng dalawang syringe na may lamang substance, 10 vallium pills, at dalawang sachet na naglalaman ng tig-limang ecstacy pills.

Ang isa naman aniyang kahon ay naglalaman ng dalawang syringe na may lamang hindi pa matukoy na klase ng sangkap, limang vallium pills at isang sachet na naglalaman ng limang ecstacy pills.

Ang mga nasabing kontrabando ay inihalo sa mga cupcake na laman ng mga kahon.

Nalaman pa na ang suspek ay inutusan lamang na ihatid ang mga kontrabando.

Sinabi naman ni Sanchez na nakakaalarma ang pagpasok ng ecstacy sa lungsod kaya hinigpitan pa ng kanilang operatiba ang pagsasagawa ng anti-drug operations.