La Trinidad, Benguet — Pinasalamatan ni Benguet Governor Melchor Diclas ang digital skills training program na proyekto ng Aboitiz Foundation na naglalayong bigyan ng kaalaman at kasanayan ang mga kababaihan upang makapagtrabaho sa patuloy na lumalawak na industriya ng digital technology.
Ayon kay Gov. Diclas, malaking tulong ang programa sa pagbibigay ng bagong oportunidad sa kababaihan, lalo na sa mga komunidad na limitado ang access sa tradisyunal na trabaho.
Aniya, nakatutulong ito upang maging handa ang mga kababaihan sa mga hamon at pangangailangan ng makabagong panahon. Ang programang Elevate AIDA o Artificial Intelligence Data Annotation ay isang digital skills training para sa kababaihan na pinapatakbo ng Connected Women sa pakikipagtulungan ng Aboitiz Foundation.
Layunin nitong makapagbigay ng mga remote o online na trabaho sa lumalaking AI at technology industry.
Nakatuon ang Elevate AIDA sa pagsasanay sa data labeling, digital literacy, at financial empowerment, partikular para sa mga stay-at-home mothers at kababaihan mula sa mga hindi gaanong napagsisilbihang komunidad.
Saklaw ng programa ang iba’t ibang sektor tulad ng mga stay-at-home women, single parents, dating OFWs, displaced workers, persons with disabilities, out-of-school youth, at maging senior citizens, sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kasanayan para sa flexible at pangmatagalang online na hanapbuhay.











