--Ads--

Nagtapos bilang Summa Cum Laude si Valerie Joy Sagayo, estudyante ng Bachelor of Science in Accountancy sa Saint Louis University-Baguio.


Sa panayam ng Bombo Radyo, ibinahagi ni Sagayo na hindi niya inaasahang makakamit ang naturang karangalan dahil ang pangunahing layunin lamang niya ay ang makapagtapos ng pag-aaral.


Aniya, labis ang naging kasiyahan ng kanyang mga magulang nang malaman ang kanyang natamong tagumpay.


Ayon kay Sagayo, hindi naging madali ang pagkuha ng kursong Accountancy dahil nangangailangan ito ng time management.


Dahil dito, naging limitado rin ang kanyang oras sa paglabas at pakikisalamuha upang higit na makapagpokus sa kanyang pag-aaral.
Inamin din niya na dumating sa puntong gusto na niyang sumuko matapos makakuha ng mababang marka.


Gayunman, pinanghawakan niya ang paniniwalang, “There’s always a first time for everything,” kaya ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral hanggang sa makamit ang naturang tagumpay.


Samantala, pinayuhan ni Sagayo ang kapwa kabataan na maging disiplinado, ugaliing balikan at basahin ang kanilang mga aralin, at humanap ng study habits na akma sa kanilang sariling paraan ng pagkatuto upang makamit din nila ang kanilang mga pangarap at tagumpay.//BomboKhey