--Ads--

BAGUIO CITY – Ipinaliwanag ng Filipino Katoliko, Inc. mula Davao de Oro ang isinasagawa nilang solicitation sa Baguio City na nagsimula pa noong nakaraang linggo.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Reverend Father Denard Castillo, missionary priest ng Filipino Katoliko, Inc., mayroon siyang kasamang labing-isang missionary mula Davao de Oro na pumunta sa lungsod ng Baguio para humingi ng financial support o voluntary donation mula sa mga non-sectarian group o indibidwal para sa itatayo nilang simbahan sa Compostela valley sa Davao de Oro.

Iginiit ni Reverend Father Castillo na nakipag-ugnayan at kumuha mula sila ng sertipikasyon mula sa mga lokal na pamahalaan at himpilan ng pulisya sa kanilang lugar bago sila pumunta sa ibat-ibang lugar sa bansa para sa kanilang fund raising o ang tinawag nilang “sacrificial date” para sa pagtatayo ng kanilang simbahan.

Idinagdag pa niya na bago sila nag-ikot sa lungsod ng Baguio ay nagpaalam muna sila sa opisina ni Mayor Benjamin Magalong, opisina ng Baguio City Police Office at iba pang ahensiya ng gobyerno.

Aniya, may mga dokumento na hawak sila na magpapatunay na legal at maganda ang intensyon ng kanilang isinasagawang aktibidad.

Samantala, inamin ni Rev. Fr. Castillo na hindi sila konektado sa Roman Catholic ngunit isa rin silang religious group at independent Catholic sa bansa na nairehistro sa Securities and Exchange Commission mula noong 1995.

Inamin pa ng nasabing pari na nakakatanggap sila ng mga negatibong komento mula sa publiko dahil sa mga post na kumakalat sa social media kabilang na ang pahayag ng Diocese of Baguio na ang Filipino Katoliko, Inc. ay hindi konektado sa Roman Catholic Group o anumang Religious Congregation o Institute of the Roman Catholic Church sa bansa.

Gayunpaman, sinabi ni Rev. Fr. Castillo na walang negatibo o malicious intent ang Diocese of Baguio at iba pang simbahan sa kanilang mga post sa social media dahil gusto lamang nilang ipaalam sa publiko na ang Roman Catholic at Filipino Katoliko, Inc. ay magkaiba.

Binigyang-diin niya na hindi sapilitan ang paghingi nila ng donasyon dahil iginagalang umano nila ang desisyon at paniniwala ng bawat isa.