--Ads--

TUBA, BENGUET – Naniniwala ang isang residente at dating empleyado ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na ang pagkasira ng flood control project at tulay sa Riverside, Camp 3, Tuba, Benguet ay hindi dahil sa substandard na pagkakagawa, kundi epekto ng malalakas na bagyong tumama sa lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni William Banoca, residente at dating personnel ng DPWH, na hanggang ngayon ay apektado pa rin ang walong kabahayan dahil sa matagal nang nasirang flood control project at tulay.

Ayon kay Banoca, higit limang taon na ang nakalipas mula nang tumama ang Bagyong Ompong na sumira sa ilang ari-arian ng mga residente. Dahil dito, nagsumite sila ng resolusyon sa tanggapan ng DPWH upang humiling ng pagkukumpuni sa nasabing proyekto.

Ibinahagi rin niya na personal niyang binantayan ang konstruksyon ng flood control project, at iginiit na maayos ang pagkakagawa nito. Aniya, may lalim na apat na metro ang orihinal na pundasyon ng proyekto, ngunit bumaba ito sa anim na metro bunsod ng magkakasunod na bagyo na humukay sa ilalim ng pundasyon.

“Kung substandard ‘yan, dapat nadurog na ‘yan,” pahayag ni Banoca, na nanindigang matibay ang pagkakagawa ng proyekto.

Tinatayang nasa 300 metro ang kabuuang lawak ng flood control structure na naitayo noong nakaraang taon.

Sa kasalukuyan, umaasa ang mga residente na agad silang matutulungan, lalo na’t patuloy nilang kinakaharap ang hirap sa pagtawid sa ilog bunsod ng nasirang tulay.

Samantala, patuloy na sinusubukan ng Bombo Radyo News Team na kunin ang pahayag ng DPWH – Benguet District Engineering Office hinggil sa isyu.//Bombo Noveh Organo