--Ads--

Nabalutan ng frost o manipis na yelo ang ilang bulaklak at tanim na gulay sa Atok, Benguet kasunod ng pagbaba ng temperatura sa lugar na umaabot sa 8 hanggang 12 degrees Celsius, partikular na tuwing madaling araw.


Kung inaakala ninyong malamig na sa Baguio City, mas mababa pa ang temperatura sa Atok, Benguet, na isa ring dinarayong destinasyon ng mga turista.


Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atok Mayor Franklin Smith, sinabi nitong magkakaiba ang temperaturang nararanasan sa mga barangay sa kanilang bayan, kung saan naitala ang pinakamababang 8 degrees Celsius nitong madaling araw ng Nobyembre 6.


Ayon kay Smith, sa kabila ng nararanasang El Niño, nananatiling malamig ang kanilang lugar maging sa tanghaling tapat, dahilan upang patuloy silang magsuot ng jacket.


Aniya, may mga pagkakataon ding hindi nila nararamdaman ang init ng panahon kaya ang ilan ay nagtutungo sa lowlands upang maranasan ang mas mainit na klima at makapagpawis.


Samantala, nang matanong tungkol sa epekto ng malamig na temperatura sa sektor ng agrikultura, sinabi ng alkalde na resilient o matatag ang kanilang mga magsasaka at alam ng mga ito kung paano pangalagaan ang kanilang mga pananim.


Nagbigay rin ito ng paanyaya sa publiko na malugod na tinatanggap ang mga turista sa Atok, Benguet.