--Ads--

Naniniwala si dating Supreme Court Justice Antonio Carpio na haharap sa matinding legal battle ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kinakaharap nitong kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).


Ayon kay Carpio, ito ay dahil sa firsthand experience ng mga testigong nag-aakusa laban sa dating pangulo, kabilang ang mga nagpakilalang miyembro ng Davao Death Squad (DDS).

Ang naturang grupo ay iniuugnay sa serye ng pagpatay na ibinibintang kay Duterte noong siya ay alkalde pa ng Davao City.

Giit ng dating mahistrado, hawak ng mga testigo ang personal na kaalaman sa mga ginawang pagpatay, na umano’y isinagawa sa utos ng dating pangulo.

Dahil dito, mahihirapan aniyang sagutin o salungatin ang kanilang mga testimonya.

Bagaman may kakayahan ang kampo ni Duterte na kuwestiyunin ang legalidad ng kanyang pag-aresto bago ang nakatakdang pagdinig sa Setyembre 2025, iginiit ni Carpio na kahit ideklarang iligal ang nasabing pag-aresto, mananatili pa rin ang hurisdiksyon ng ICC sa kaso.

Paliwanag ni Carpio, walang kinalaman ang ICC sa aktwal na pag-arestong naganap sa Pilipinas. Aniya, dahil naisurender na si Duterte sa international tribunal sa The Hague, Netherlands, hindi na ito makakaapekto sa kasong kinakaharap niya.

Samantala, una nang iginiit ng legal team ng dating pangulo na isang kaso ng kidnapping ang kanyang naging pag-aresto, bago siya tuluyang isinuko sa mga awtoridad sa The Hague.