Makakaranas ng power interruption ang halos lahat ng bayan sa Benguet ngayong Huwebes bunsod ng maintenance activities ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Ayon kay Melma Batario, regional communications at public affairs officer ng NGCP sa North Luzon, layunin ng maintenance work na mapanatili ang maayos at episyenteng operasyon ng power grid at maiwasan ang emergency o hindi planadong brownout.
Batay sa abiso ng Benguet Electric Cooperative (Beneco), mawawalan ng suplay ng kuryente mula alas-7 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali ang buong bayan ng Atok, Bokod, Buguias, Kabayan, Kapangan, La Trinidad, Tublay, Mankayan, at Sablan.
May ilang lugar lamang sa mga bayan ng Bakun, Itogon, Kibungan, at Tuba ang mananatiling may suplay ng kuryente.
Samantala, magsasagawa rin ng maintenance work ang Beneco mula alas-12 ng tanghali hanggang alas-5 ng hapon sa ilang bahagi ng Ambiong at Balili sa La Trinidad upang maisaayos ang kanilang feeders.
Tinatayang nasa 159,733 consumer ang maaapektuhan ng nasabing power interruption. Ayon kay Beneco representative Laarni Ilagan, isinasabay na rin ng kooperatiba ang kanilang maintenance activities sa iskedyul ng NGCP upang mabawasan ang abala sa mga konsyumer.











