Aprubado na para sa implementasyon ang Healthy Public Food Procurement Ordinance sa Baguio City na layong isulong ang mas masustansyang pagkain at maiwasan ang pagdami ng non-communicable diseases o mga sakit tulad ng hypertension, diabetes at sakit sa puso.
Itinalaga ang Baguio City Nutrition Council o BCNC bilang pangunahing mangangasiwa sa pagpapatupad ng ordinansa.
Sa ilalim ng polisiya, magtatakda ng nutrition standards para sa mga pagkaing binibili at inihahain sa mga pampublikong pagtitipon at aktibidad ng pamahalaang lungsod.
Nililimitahan din nito ang pagkain na mataas sa asin, asukal at trans fats habang tinitiyak pa rin ang maayos na paggamit ng pondo ng gobyerno.
Saklaw ng ordinansa ang lahat ng tanggapan, departamento at mga supplier ng city government na sangkot sa food procurement.
Pangungunahan naman ng City Health Services Office Nutrition Division ang monitoring at pag-update ng nutrition standards kada tatlong taon o kung kinakailangan.
Hinihikayat din ang mga barangay na magpatupad ng kahalintulad na polisiya upang mapalawak ang pagsusulong ng masustansyang pagkain sa lungsod.











