--Ads--

BAGUIO CITY–Muling umaapela ang Department of Education-Cordillera at ang lokal na pamahalaan na mas paigtingin pa ang pakikipag-ugnayan ng mga paaralan at iba’t ibang institusyon sa mga estudyante at magulang lalo na sa blended learning na paraan ng pag-aaral ngayong COVID-19 pandemic.

Kasunod ito ng insidente ng pinaniniwalaang suicide o pagpapakamatay ng isang 13-ayos na junior student sa La Trinidad, Benguet dahil sa problema nito sa kanyang learning modules.

Batay sa ulat, nag-aaral ang estudyante sa isang pribadong paaralan sa nasabing bayan kung saan pinaniniwalaang hindi nito nakayanan ang pressure sa mga modules dahilan para gawin ang insidente.

Napag-alamang nadiskubre ng kanyang mga magulang na nagbigti ang menor de edad sa kanyang silid habang inaalam pa ng mga awtoridad ang ibang anggulo sa naturang pangyayari.

Samantala, ikinalungkot naman ni Dep-Ed CAR Regional Director Estella Carino ang nangyari bagaman naniniwala ito na may iba pang dahilan kung bakit nagawang magpakamatay ang estudyante.

Hindi rin makapaniwala si La Trinidad Mayor Romeo Salda na maitatala sa kanyang kisasakupan ang nasabing insidente kasabay ng muling pagpapaalala nito sa mga kabataang habaan pa ang kanilang pasensiya at pag-unawa sa sitwasyong dulot ng pandemya.

Pinutirya rin niya ang mahalagang role ng mga magulang at ang buong komunidad sa paggabay sa mga estudyante at kabataan lalo na sa mga nakakaranas ng depresyon dahil sa blended learning.