--Ads--

Iniimbestigahan ngayon ang umano’y insidente ng pamamaril at holdap sa isang gasolinahan sa Camp 3, Tuba, Benguet na naganap kagabi, Mayo 24, 2026.


Batay sa inisyal na impormasyong nakalap ng Bombo News Team, tinatayang aabot sa ₱260,000 ang natangay ng mga suspek.


Ayon sa ilang residente, ilang ulit na umanong nabibiktima ng pagnanakaw ang naturang gasolinahan, ngunit ito umano ang unang pagkakataon na nauwi sa pamamaril ang insidente.


Ilan sa mga residente ang nagsabing nasa loob lamang sila ng kanilang mga tahanan nang marinig ang sunod-sunod na putok ng baril.


Sa panayam ng Bombo Radyo kay Marceline Palangya, isang pump attendant ng gasolinahan, sinabi nito na matapos nilang magbilang at maghanda nang mag-out at ideposito ang pera sa vault, biglang pumasok ang mga suspek at tinutukan sila ng baril at kinuha ang lahat ng kita ng tindahan.


Ayon sa kanya, dalawang lalaki ang pumasok at kinuha ang perang nakalagay sa mesa.


Dagdag pa niya, nagulat sila sa pagdating ng mga suspek kung kayat sumigaw ito at humihingi ng tulong sa mga nag-iinuman sa gilid ng lugar. . Nang habulin sana ang mga ito, nagpaputok ang mga suspek nang sunod-sunod kaya’t napilitang magtago ang mga biktima.


Agad na tumawag ng pulis ang mga empleyado matapos ang insidente.


Sa kabila nito, nagpapatuloy pa rin ang operasyon ng naturang gasolinahan habang isinasagawa ang imbestigasyon ng mga awtoridad.