--Ads--

Muling nasungkit ng Ifugao State University (IFSU) ang kampeonato sa 2026 Regional Annual Administrative Tactical Inspection (RAATI) matapos makapagtala ng halos perpektong marka na 99.1%.

Ang RAATI ay isang taunang pagsusuri at kompetisyon sa hanay ng mga Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) units kung saan sinusukat ang kanilang kahandaan, disiplina, organisasyon, at kahusayan sa mga taktikal at administratibong aspeto ng pagsasanay militar.

Isinagawa ito noong Abril 17, 2026 sa loob mismo ng unibersidad kung saan nagtala ang IFSU-ROTC Unit ng 99.061 porsyentong marka, ang pinakamataas sa kasaysayan ng kanilang partisipasyon.

Nalampasan nito ang kanilang 2025 performance na 97.2%, gayundin ang naging marka ng kampeon noong nakaraang taon na 98.9%.

Ito ang pagbabalik ng IFSU sa tuktok ng kompetisyon matapos huli itong magkampeon noong 2023.

Ipinakita ng kanilang ROTC unit ang matinding disiplina at kahusayan sa larangan ng taktikal na pagsasanay na naging susi sa kanilang panalo.

Pumangalawa naman ang Mountain Province State University (MPSU) na nakakuha ng 98.9%, habang pumangatlo ang Benguet State University na may 98.7%.

Ang MPSU ang reigning champion noong nakaraang taon.

Samantala, nakasunod sa ranggo ang Kalinga State University na may 98.3% at ang Abra State Institute of Science and Technology na may 97.2%.

Ayon sa pamunuan ng IFSU, ang tagumpay na ito ay bunga ng dedikasyon at pagsasabuhay ng kanilang mga pangunahing pagpapahalaga, kahusayan, serbisyo, at integridad. Ipinagmalaki rin ang kanilang ROTC unit na nagpakita ng world-class na performance sa naturang kompetisyon.