BAGUIO CITY- Opisyal nang nagbukas ngayong araw ang makulay at masiglang Baguio Flower Festival, o mas kilala bilang Panagbenga Festival, na magtatagal ng isang buwan.
Ala-una pa lang ng madaling araw ay naideploy na ang 1,410 police personnel mula sa Baguio City Police Office, Police Regional Office-Cordillera, at iba pang force multipliers sa iba’t ibang bahagi ng lungsod upang mapanatili ang kaayusan at seguridad ng publiko.
Nagsimula na rin kaninang alas-siyete ng umaga ang Community Prayers sa Panagbenga Park, at sumunod naman kaninang alas-otso ng umaga ang Grand Opening Parade.
Labinsiyam (19) na contingents ang nagtanghal sa street dancing at drum-and-lyre competition.
Mula sa bilang na ito, lima ang naglalaban-laban—apat mula sa Baguio City at isa mula sa Rosario, La Union.
Bukod pa rito, labintatlong (13) cultural dance groups ang nagtanghal din sa grand opening parade, na nakaaakit ng maraming residente at turista.
Ang kanilang pagtatanghal ay magsisilbing exhibition bilang paghahanda sa kanilang kompetisyon sa Pebrero 22.
Samantala, ipinahayag ni Freddie Alquiros, Pangulo ng Baguio Flower Festival Foundation Inc., na aabot sa P17 milyon ang inilaan nilang pondo para sa mga nakalinyang aktibidad ng ika-29 na edisyon ng Panagbenga Festival, na magtatapos sa Marso 2.
Ipinahayag rin niya ang kanyang pasasalamat sa patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan at iba pang kinauukulang ahensya ng gobyerno sa libreng pagpapagamit ng mga parke at pampublikong lugar bilang venue ng iba’t ibang aktibidad.
Samantala, pinaalalahanan ng Baguio City Police Office ang publiko na alagaan ang kanilang mahahalagang gamit at huwag itong basta iwan kung saan-saan.
Pinayuhan din nila ang mga magulang at tagapag-alaga na bantayang mabuti ang mga batang kasama nila.