--Ads--

May mga nakahandang aktibidad para sa ika-72 edisyon ng Annual Mines National Safety and Environment Conference na pangungunahan ng Philippine Society of Mining Engineers (PSEM) at idaraos sa lungsod ng Baguio.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Engr. Felizerdo “Zards” Gacad Jr., National President ng PSEM, sinabi nitong kabilang sa mga nakatakdang aktibidad ang Mineral Industry Symposium sa November 19 sa Baguio Country Club, gayundin ang press conference ng PMSEA at iba pang programa.

Isasagawa naman sa November 20 ang field competition na nakatuon sa mining safety sa Melvin Jones Grounds. Magsisimula ito sa isang parada patungo sa nasabing lugar.

Inaasahang aabot sa 3,000 hanggang 4,000 ang mga kalahok sa kumperensya. Inaasahan din ang pagdalo ng kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ngunit posibleng hindi ito makadalo dahil sa iba pang prayoridad na gawain kaugnay ng ASEAN Summit.

Gayunpaman, inaasahang dadalo si DENR Assistant Secretary Michael Cabaldez, na nakatalaga sa mining concerns, bilang guest of honor and speaker sa Mineral Industry Symposium. Inimbitahan din ang kinatawan ng Department of Trade and Industry (DTI) na si Assistant Secretary Rodulfo Juan.

Kabilang sa mga tatalakayin ang kontrobersyal na Pax Silica na planong itayo sa Capas, Tarlac.

Aminado si Gacad na patuloy na nahaharap sa batikos ang industriya ng pagmimina, subalit patuloy rin aniya ang pagbabago at pag-unlad nito. Binigyang-diin niyang kailangang tugunan ang lahat ng mga hinaing at pangamba ng publiko, partikular na ang epekto ng pagmimina sa kalikasan.

Sa pamamagitan ng kumperensya, bibigyang-pagkilala rin ang mga pinakamahusay na pamamaraan sa pangangalaga sa kapaligiran, pagpapaunlad ng komunidad, at pagsusulong ng kaligtasan at kalusugan ng mga manggagawa.

Naniniwala rin si Gacad na malaki ang kontribusyon ng industriya ng pagmimina sa gross domestic product o GDP ng bansa. Patuloy aniya silang magsisikap upang higit pang mapalakas ang papel nito bilang isa sa mga tagapagtaguyod ng ekonomiya ng Pilipinas.

Samantala, inaanyayahan ang publiko na makiisa at manood sa mga nakatakdang aktibidad bilang bahagi ng nasabing kumperensya.