Nanganganib na ang kalsada at rockshed sa Millsite Camp 6, Camp 4 sa kahabaan ng Kennon Road sa Tuba, Benguet, bunsod ng walang tigil na pagguho ng lupa dulot ng magkakasunod na bagyo at ang patuloy na habagat.
Kung magpapatuloy pa ang pagguho ng lupa at mga bato sa lugar, posible itong magresulta sa tuluyang pagbagsak ng kalsada at rockshed na maaaring humantong sa matagalang pagsasara ng Kennon Road.
Dahil sa mga gumuhong bato at lupa na nagharang sa daan, nananatiling sarado sa lahat ng uri ng sasakyan ang Kennon Road at inaasahang magtatagal pa ang pagbubukas nito habang isinasagawa ang masusing pagsusuri at clearing operations.
Mahigpit na pinayuhan ang mga motorista na iwasang dumaan sa Kennon Road tuwing panahon ng tag-ulan dahil sa banta ng landslide.
Sa halip, pinapayuhan silang gamitin ang mga alternatibong ruta gaya ng Marcos Highway, Naguilian Road, at Asin–San Pascual Road.
Ayon kay Tuba Mayor Clarita Sal-ongan, lubhang delikado na ang kalagayan ng Kennon Road.
Sa panayam ng Bombo Radyo, muling umapela si Mayor Sal-ongan sa Department of Public Works and Highways na bilisan ang konstruksyon at pagpapatupad ng mga mitigating measures upang hindi tuluyang matabunan o bumagsak ang rockshed sa lugar.
Aniya, mahalagang mapanatili ang kondisyon ng Kennon Road dahil ito ang isa sa mga pinakamainam na ruta paakyat at pababa ng Baguio City at Tuba, Benguet.
Samantala, hindi napigilan ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na ilabas ang kanyang saloobin hinggil sa patuloy na pagguho sa Kennon Road.
Sa panayam ng Bombo Radyo, iginiit ng alkalde na kailangang magkaroon ng seryosong pag-uusap kasama ang mga matataas na opisyal ng DPWH upang matukoy ang mga kakulangan sa proyekto.
Dismayado si Mayor Magalong at sinabi niyang dapat ay “Class A” ang kalidad ng mga ginagawang proyekto sa Kennon Road, lalo pa’t sapat naman ang pondong inilaan dito.
Hinikayat rin niyang magkaroon ng third-party audit upang masiguro ang transparency at malaman ng publiko ang totoong kalagayan ng proyekto.
Aniya, sa pamamagitan ng masusing pagsusuri, mas magiging madali ang pagbuo ng isang maayos at komprehensibong master plan para sa rehabilitasyon ng Kennon Road.
Dagdag pa niya, kailangang isapribado ang pamamahala sa Kennon Road upang maiwasan ang pang-aabuso at katiwalian ng ilang nasa pamahalaan.
Sa hiwalay na ulat, inihayag ni Mayor Magalong na tatlumput apat na kaso ng soil erosion ang naitala sa lungsod ng Baguio, dalawa sa mga ito ay itinuturing na medium incident.
Gayunpaman, nilinaw ng alkalde na hindi pa kailangan magdeklara ng state of calamity, dahil hindi naman umano gaanong naapektuhan ang lungsod kumpara sa ibang lugar sa Luzon na labis ang pinsalang tinamo mula sa magkakasunod na bagyo at patuloy na epekto ng Habagat.