Kinumpirma ng Punong Barangay ng Virac, Itogon, Benguet ang pagtaas ng pamasahe sa ilang jeepney na bumibiyahe mula Baguio City patungong Virac at vice versa.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Virac Punong Barangay Nestor L. Martillano Jr., sinabi niyang may ilang jeepney driver umano na nagtaas na ng pamasahe.
Gayunman, pag-uusapan nila ang naturang usapin sa isang pulong sa Sabado, September 26.
Ayon kay Martillano, nang nagkaroon din ng pagtaas sa presyo ng petrolyo noong nakaraan, nagsagawa sila ng public consultation kasama ang komunidad, mga operator at driver upang pag-usapan ang posibleng adjustment sa pamasahe.
Nang tanungin naman hinggil sa iniulat na P25 dagdag-pamasahe, sinabi niyang kailangang matulungan ang mga driver at operator dahil nahihirapan din ang mga ito sa patuloy na pagtaas ng gastusin.
Gayunman, iginiit niyang dapat pag-usapan ng riding public, operators at drivers ang nararapat na halaga ng dagdag-pamasahe.
Hindi naman nagbigay ng sariling mungkahing halaga ng pamasahe si Martillano at sinabi niyang magiging tagapamagitan lamang siya sa isasagawang pagpupulong.
May mga naibibigay din umanong ayuda o suporta sa mga driver at operator upang makatulong sa kanilang kabuhayan.
Samantala, patuloy ang monitoring ng mga awtoridad sa mga lugar na may banta ng landslide.
Partikular na binabantayan ang Acupan area na kabilang sa mga lugar na nakapagtala ng maraming landslide.











